Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babae na pitong-taong-gulang matapos siyang mabangga at masagasaan ng pickup truck matapos na bigla siyang tumakbo sa kalsada sa Suyo, Ilocos Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita na tinatahak ng pickup truck ang national highway sa bahagi ng Barangay Uso, nang biglang sumulpot ang biktima.
Hindi na naiwasan ng sasakyan ang biktima na kaniyang nabangga at nagulungan pa.
Tumigil naman ang pickup truck at pinuntahan ng driver nito ang biktima na binuhat na ng kaniyang ina.
Dinala sa ospital ang bata pero idineklarang dead on arrival dahil sa matinding pinsala na tinamo sa katawan.
Ayon sa pulisya, inihayag ng ina na galing sila sa tricycle at hindi niya napansin na bumaba na pala ang kaniyang anak at patakbong tumawid.
Nagkausap na umano ang driver ng pickup at pamilya ng biktima, ayon sa pulisya – FRJ GMA Integrated News
