Patuloy umanong sinusubaybayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga inilalabas na impormasyon kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring mass shooting sa Canada na walo ang nasawi at mahigit 20 ang sugatan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, inihayag umano ng DFA na walang inilalabas na opisyal na pahayag ang Canadian authorities tungkol sa pagkakakilanlan ng mga nasawi sa nangyaring pamamaril sa isang eskuwelahan sa Tumbler Ridge sa British Columbia.

Nakikipag-ugnayan naman ang Philippine consulate sa Vancouver sa Pinoy community doon, at handa silang magbigay kaagad ng tulong kung mayroon mang Pinoy na apektado sa nangyaring karahasan.

“We are currently monitoring the situation and getting information on any Filipinos that may have been directly affected by this incident,” saad naman sa inilabas na pahayag ng konsulado.

“If you or anyone you know was a victim of this incident, please do not hesitate to reach out to us through our Assistance to Nationals Hotline at +1 604 653 5858 and/or through atnsection@vancouverpcg.org.,” dagdag nito.

Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa walong nasawi ang 18-anyos na suspek na isang babae. Pati na ang ina nito at step-brother.

Base sa imbestigasyon, unang binaril at napatay ng suspek ang kaniyang ina at step-brother bago ito pumunta sa eskuwelahan at namaril.

Hindi sinabi ng awtoridad ang posibleng motibo sa krimen pero napag-alaman na mayroon umanong mental health issue ang suspek, na nagbaril sa sarili matapos gawin ang krimen. – FRJ GMA Integrated News