Bahagi na ng mayamang kasaysayan ng Binondo ang mga putaheng Tsino, lalo na ang mga authentic, exotic Chinese cuisine gaya ng palaka at karne ng pagong. Ligtas ba naman kaya itong kainin?

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang kainan na Arthur Z, na matatagpuan sa Ongpin, na mga Tsino ang suki kaya authentic ang kanilang mga putahe.

Nagmula pa umano sa China ang kanilang mga rekado. Ilan sa binabalik-balikan sa kanilang restoran ang ilang tradisyunal na Chinese cuisine gaya ng salt and pepper palaka, at adobong softshell turtle o pagong.

Nilinaw naman ni Dr. Romulo Bernardo, isang wildlife expert, na maaari talagang gawing pagkain ang softshell turtle.

“Ang mga softshell turtle ay na-introduce dito as food, ika nga, food source. Finarm (farm) ‘yan para gawing pagkain. Ang mga softshell turtle ay considered na invasive species na siya. Ibig sabihin, dumami siya nang dumami, naging peste na siya,” sabi ni Bernardo.

Sinabi ni Aira Gonzales, isang registered nutritionist at dietician, mainam na uri ng karne ang softshell turtle.

“Ayon sa ilang mga researches nga, ang softshell turtle, particular na ‘yung Chinese softshell turtle, ay mataas sa protina at mababa sa fats. Ang protein ay mahalaga sa pagbuo at pagpapatibay ng ating mga muscles, pati na sa pangkalahatang lakas ng katawan,” sabi ni Gonzales.

Sinabi naman ng historian na si Professor Melanie Turingan, na nakaugat na sa kasaysayan ng mga Pinoy ang pagkahilig sa exotic food.

“Sumikat talaga 'yung pagkain ng exotic food brought about by the Second World War. Noong mga panahon na ‘yun, talagang taghirap. So anything that is available in nature, talagang kakainin mo,” sabi niya.

Nagpaalala naman si Gonzales na dapat maghinay-hinay sa pagkain at tiyaking maayos ang pagkakaluto.

Sa ilalim ng Republic Act 9147, pinoporotektahan nito ang wildlife at ipinagbabawal ang ilegal na panghuhuli at pagbebenta ng maraming uri ng wild animals.

“Kahit may protina at sustansiya ang soft-shelled turtle at palaka at ang iba pang exotic dishes, hindi naman sila kailangan maging bahagi ng ating pang-araw-araw na pagkain para maging healthy,” ani Gonzales. – FRJ GMA Integrated News