Kilala noon sa kaniyang pagiging isang sexy actress na kabi-kabila ang mga proyekto sa telebisyon at pelikula, sa lansangan na ngayon naninirahan si Josephine Manuel. Kumusta na kaya ang kaniyang buhay?
Sa teaser ng upcoming episode ng Wish Ko Lang, sinabing sexy star at leading lady noong 1978 hanggang 1986 si Josephine.
Ngunit ang kaniyang tagumpay at mga ipon, naglahong parang bula.
“‘Pag nandu’n ka na, kailangan mayaman ka. Hindi naman ako mayaman, kaya pitong taon lang bale ang tinagal ko sa pelikula,” sabi ni Josephine.
Sa panig naman ng kaniyang kapatid, sinabi niyang hindi niya ito pinabayaan.
“Kung may sinasabi na pinabayaan ko siya, pero wala akong magawa… Ang gusto ko lang talaga mangyari sa kaniya, ‘yung mayroon siyang mapupuntahan at maayos siya,” sabi ng kaniyang kapatid.
Si Josephine, sinabing naghiwalay ang kanilang mga magulang kaya naghiwalay din sila ng kaniyang kapatid.
Matupad pa kaya ang kaniyang hiling na magkasama silang muli? Tunghayan ang kuwento ni Josephine sa Wish Ko Lang nitong Sabado ng 4 p.m. sa GMA Network. -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
