Patay na nang matagpuan at nakatali sa puno ang isang Grade 6 student na babae na ilang araw nang nawawala sa Toledo City sa Cebu. Ang bangkay, aksidenteng nadiskubre nang tangayin ng isang aso ang isang paa ng biktima.

Sa ulat ni Super Radyo Cebu reporter John Kim Bote sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing nakita ang 12-anyos na babae na nakagapos sa isang puno sa kagubatan na nasa hangganan ng Barangay Ibo at Cabitoonan nitong Huwebes.

Suspek sa karumal-dumal na krimen ang tiyuhin ng biktima, batay sa salaysay umano ng mga testigo.

Nakita rin sa CCTV footage na sumakay ang biktima sa motorsiklo ng suspek nang araw na mawala ang dalagita noong Pebrero 11.

Nadiskubre ang bangkay ng dalagita nang tangayin ng isang aso ang isang paa nito.

 

 

Patuloy umano ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung ginahasa rin ng suspek ang biktima.

Naaresto naman ang suspek at mahaharap sa kaukulang kaso.

Sa hiwalay na ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV, sinabing ilang ang lugar kung saan itinali ang bangkay ng biktima at may matataas na damo kaya mahirap makita.

Itinanggi rin umano ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.

Lumitaw naman sa paunang background check ng pulisya sa suspek na may kaso ito ng two counts of rape sa Iloilo. Nagsimula itong manirahan sa Toledo City noong 2021. – FRJ GMA Integrated News