Dahil sa kahirapan, namasukan bilang labandera si Marissa Fajardo para mapag-aral ang sarili, at matupad ang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Ngayon, isa na siyang mapagmalasakit na guro at tumanggap ng pagkilala bilang “Most Outstanding Kapampangan.”
Sa bagong episode ng “I-Listen with Kara David,” itinampok si Fajardo, na pinarangalan bilang 2025 Most Outstanding Kapampangan Award sa larangan ng edukasyon
“I never imagined that a simple teacher from Lubao, once a labandera and a babysitter, would be, one day, be recognized on a stage like this,” sabi ni Fajardo sa kaniyang mensahe ng pagtanggap sa award.
Kuwento ni Fajardo, isang truck driver ang kaniyang tatay habang walang trabaho ang kaniyang nanay.
“Gustong gusto kong makatapos kasi nakikita ko 'yung kahirapan namin. So, ang ginawa ko, ‘pag walang maibigay na pamasahe si inang, gagawa po ako ng paraan para makapasok,” kuwento ng guro.
Dahil dito, naghahanap siya ng mga magpapalaba ng damit at naghahatid ng mga bata sa eskuwelahan para magkaroon ng pera.
Kung minsan, mga kaklase at kapitbahay pa ang pinaglalabahan ni Fajardo. Hindi na niya pinapansin ang ilang pangungutya alang-alang sa kaniyang pangarap.
“Wala po akong pakialam du'n sa mga sinasabi nila. Kasi ang iniisip ko, 'yung makatapos ako… ‘Hindi ‘yan makakatapos kasi wala naman silang pera.’ Tapos nu’ng grumaduate ako, nabigla sila,” sabi niya.
Pag-amin ni Fajardo, ayaw talaga niyang maging isang guro at sa halip, pangarap niyang maging isang nurse. Gayunman, nakita niya ang malaking gastusin sa naturang kurso.
Ang kaniyang ina umano ang may pangarap para sa kaniya na maging isang guro.
“Sabi ni Inang, mas maganda 'yung magiging buhay mo kung magiging teacher ka, sabi niya. Kasi 'yung teacher daw, kahit saan ka pa mapunta, susuweldo ka,” patuloy ni Fajardo.
Dumating din ang pagkakataon na kinailangan pa niyang tumigil sa pag-aaral ng isang taon para patapusin muna ang kaniyang ate.
Naging emosyonal si Teacher Marissa nang balikan ang pagsubok na kaniyang hinarap bago makapagtapos.
“‘Pag graduate ko, wala pa rin ako maisuot, walang pambili si inang. Ang ginawa ko pa rin is pumunta ako du'n sa teacher na naging ninang ko naman. Pinahiram po ako ng damit para lang ako makasampa ng entablado, makuha ko 'yung diploma,” sabi niya.
“Akala ko hindi ako talaga ga-graduate kasi wala akong pambayad, wala po akong damit na maisusuot,” pagpapatuloy niya.
Pagkatanggap ng diploma, ipinangako ni Teacher Marissa na tutulungan niya ang mga magulang niya.
“Sabi ko, ito na 'yung chance ko para matulungan 'yung mga magulang ko. Para naman nila maranasan 'yung magandang buhay. Kung minsan kasi, kakain kami isang beses lang dahil talagang walang trabaho si Tatang,” pagbahagi niya.
Nang maging guro na, doon natuklasan ni Fajardo ang misyon niyang tulungan din ang mga estudyanteng kapos sa buhay… na minsang naging buhay niya.
“Doon ko nalaman, na-realize na kaya ako napunta sa ALS (Alternative Learning System) at naging teacher ako… is tutulong ako sa mga batang hindi makapag-aral dahil sa kahirapan,” sabi ni Fajardo.
“Kaya ‘pag opening ng klase, ‘yun po 'yung kinukuwento ko sa kanila na, ‘Hindi hadlang ang kahirapan para makapagtapos kayo ng pag-aaral. Gawin niyo itong inspirasyon, lalo na 'yung mga magulang niyo, ang gawin niyong inspirasyon para makatapos kayo,’ sabi ko sa kanila,”
pagbahagi ni Fajardo.
Nagbigay din ng payo si Fajardo sa mga estudyanteng pinaghihinaan ng loob sa kanilang pag-aaral.
“Ang lagi kong sinasabi sa kanila is huwag hayaang isipin nila o ilagay sa puso at isipan nila na gano'n lang 'yung katayuan nila sa buhay. Never nilang isipin na ang kahirapan ay hadlang sa edukasyon. Bagkus ito ay gawin nilang inspirasyon para makamit nila 'yung kanilang pangarap.”
Bilang isang guro, natanong si Fajardo sa kaniyang pakiramdam kapag nakakatapos ang kaniyang mga estudyante sa ALS.
“Parang hindi po ako nakayapak sa lupa. Kasi nakikita ko po sa kanila 'yung sarili ko.
Masaya masaya po ako ‘pag nakikita ko sila na ga-graduate silang lahat na estudyante ko. Tapos ‘pag baba nila, pupuntahan ka po nila at magpapasalamat. 'Yung pagpapasalamat nila is malaking bagay sa akin dahil nakatulong ako sa kanila at naging parte ako ng buhay nila para matupad po 'yung kanilang pangarap,” sabi ni Fajardo.
Nakararamdam man ng pagod kung minsan sa pagtuturo, sinabi ni Fajardo na tadhana niya ng maging isang guro.
“Kung minsan naiiyak po ako kasi napapagod din po ako. Pero sabi ko, ito talaga 'yung destiny ko talaga, 'yung tumulong sa iba.”
--FRJ GMA Integrated News
