Nag-viral ang isang tatay na tindero dahil ang kaniyang inilalakong paninda na hindi panlalaki kundi pambabaeng mga “scrunchies” o pangtali sa buhok. Dahil sa kaniyang pagsisikap, napagtapos na niya sa pag-aaral ang anim niyang anak.
Sa kaniyang guesting sa “i-Listen with Kara David,” binalikan ni Geronimo Tolibas, o Tatay Ronnie, na pagbebenta niya ng scrunchies noon sa Monumento sa mga babaeng mahahaba ang buhok.
Ngunit isang araw, isa sa kaniyang mga customer na babae ang nagpaalam sa kaniya na kukunan siya ng larawan at ipo-post sa Facebook.
Pumayag naman siya at kinagabihan, nagulat na lamang siya nang ibinalita ng kaniyang anak na viral na siya sa Facebook at may libo-libong likes.
Iyon pala, naging customer niya si Karisa Mae Nievera, na Mutya ng Navotas 2020.
Kahit na pambabae ang itinitindang gamit ni Tatay Ronnie, hindi niya ito ikinakahiya.
“Nagulat din ako. ‘Oo nga pala ano, pambabae pala. Dapat babae pala ang nagtitinda nito,” biro ni Tatay Ronnie.
“Pero okay na. Hindi naman sabihin na, ‘Oh bakit lalaki ka? Nagtitinda ka ng ganiyan?’ Wala naman. At saka hindi naman yata tama na 'yung i-discriminate nila kung dahil lalaki ako, nagtitinda ako ng ganiyan,” saad niya.
Inihayag din ni Tatay Ronnie ang patakaran niya para maging mahusay na salesman o vendor.
“Huwag kang mahiyang mag-alok, magtinda. Kasi legal naman eh [pagtitinda]. At saka parehas ‘yan, hindi ‘yan nakakasagasa ng kapwa mo,” paliwanag niya.
Payo pa ni Tatay Ronnie sa mga kapwa tindero, huwag mandaya o manloko ng mga customer, o huwag magtinda ng mga sira o panis na.
Huwag ding maging arogante kahit na hindi bibili ang mga customer.
“‘Yung iba kasi ‘pag ‘di bumili… magtatanong lang. ‘Pag ‘di bumili, susungitan pagtalikod. Ay hindi puwede. Hindi tama 'yung gano'n. Kasi malay mo sa susunod, may balak bumili ‘yun tapos sinungitan mo, hindi na bibili ‘yun. Masungkit ka pala.”
Sa likod nito, nagpursigi si Tatay Ronnie para mapagtapos ang anim niyang anak.
“Kailangan talaga may pinag-aralan. Kasi once ang isang aplikante nag-apply, itatanong agad ng magiging employer, ‘Ano ba natapos mo?’ Doon ko agad 'yung tanong eh. Hindi ako nakapagtapos,” sabi niya.
“Kaya itong mga anak kong nakatapos, nagtatrabaho na sila. Nu’ng nakikita ko na pumapasok sila na naka-uniform na sila, talaga doon ako masayang masaya. Nakikita ko na ito na pala 'yung pinaghirapan ko.”
Ang kaniyang panganay na anak na babae, nagmamay-ari ngayon ng patahian.
Ang pangalawang anak niya naman na isang lalaki ay naging guro. Nagtapos naman ng Business Administration at isa ring guro ang bunso niyang anak.
Ang isa pa niyang anak na babae, political science ang natapos, at ang isa naman ay psychology.
Ang isa pang babae niyang anak, vocational na Housekeeping sa TESDA ang natapos.
“Masayang masaya ako kasi ‘di ko inaasahan na makakapunta ako ng Araneta, doon sila graduate, sa MOA (Mall of Asia). Masayang masaya ako, ‘di ko inaasahan na sa pagtitinda ko, makakaakyat pala 'yung mga anak ko sa ganitong mga coliseum,” kuwento niya.
Payo ni Tatay Ronnie sa mga vendor: Magpursi sila na mapag-aral ang mga anak nila. Huwag silang malula na ‘Parang hindi ko kaya.’ Basta makikita niyo lang 'yung mga anak niyo na nagsisipag naman mag-aral. Asahan niyo hindi masasayang ang pagod niyo.”
Payo naman ni Tatay Ronnie sa mga anak, i-appreciate ang paghihirap ng mga magulang.
“Dapat 'yung mga anak din, kung ang tatay niyo nagpapakahirap maghanapbuhay, lalo na ‘pag vendors lang, eh dapat tapatin niyo naman ng pag-aaral din nang mabuti kasi ‘yun ang pagkakataon niyo e,” paliwanag niya.—FRJ GMA Integrated News
