Isang rider ang nasawi matapos na mawala sa tamang linya ng kalsada ang minamaneho niyang motorsiklo at bumangga sa nakasalubong na pickup truck sa palikong bahagi ng Sumulong highway sa Antipolo City, Rizal. 

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa paliko at pababang bahagi ng nasabing highway sa Barangay Santa Cruz noong Linggo.

Sa kuha ng CCTV camera at dashcam, makikita na mabilis ang takbo ng rider na kumain sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa nakasalubong na pickup truck.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang rider na taga-Laguna.

Ayong sa ambulance crew ng barangay, nawasak ang helmet ng rider at nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa ulo. Idineklara siyang patay pagdating sa ospital.

Nayupi naman ang gilid ng pickup at nabasag ng windshield.

Ayon sa awtoridad, nagkausap na umano ang pamilya ng rider at driver ng pickup.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ng rider, habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ng driver ng pickup.

Hindi na rin umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ng rider laban sa driver.

“Aminado naman po sila na yung motor talaga ang may kasalanan. Nagkasunduan sila na yung driver ng sasakyan is sasagutin niya po yung gastos sa pagpapalibing, sa mga damage po,” ayon kay Police Lt. Ken Ladyong Ada-Ol, chief for community affairs and Development Section, Antipolo Police. – FRJ GMA Integrated News