Nabahala ang mga residente sa Barangay Buan, Panglima Sugala, Tawi-Tawi matapos makita ang isang buwaya sa ilalim ng isang stilt house, o bahay na nakatayo sa ibabaw ng tubig noong Sabado.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao itong Lunes, sinabi ng residenteng nag-upload ng video online, na high tide ang tubig sa dagat noong panahong iyon nang makita ang buwaya matapos na matutukan ng flashlight.
Hinihinala nila na ang mga alagang manok sa lugar ang target ng buwaya.
Dahan-dahan umanong lumayo ang buwaya at nawala kalaunan. Maaaring napansin daw nito ang mga taong nakakita sa kaniya.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), may mga lugar na kilalang crocodile-infested zones, kaya pinapayuhan ang mga residente huwag lumangoy o maglakad lalo na sa gabi.
Binigyang-diin din ng mga awtoridad ang kahalagahan ng pagsunod sa mga babala at kaagad na iulat ang mga nakikitang buwaya.
Ang mga buwaya ay protected species kay hindi dapat saktan o patayin alinsunod sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act (RA 9147).—FRJ GMA News
