Wagi si Alexandra “Alex” Eala kontra sa lokal na manlalaro na si Julia Grabher, 6-4, 6-3, sa Round of 32 ng Linz Open sa Austria nitong Miyerkules (araw sa Pilipinas). Sunod na kakaharapin ng Pinay tennis star sa Round of 16 ang world No. 23 na si Jelena Ostapenko.
Matapos ang dikit na unang set na tumagal ng halos isang oras, nakuna na ni Eala ang kaniyang laro at mabilis na nasungkit ng 4-1 na kalamangan sa ikalawang set. Pero nakuha pa ni Grabher ng dalawang sunod na laro upang mailapit ang agwat sa kanilang laban.
Muling nakontrol ni Eala ang laban at nakuha ang magkasunod na laro upang tuluyang ibulsa ang panalo sa loob ng isang oras at 42 minuto sa kaniyang unang laban sa naturang torneo.
“I kept the intensity well throughout the match. She's a very intense player and has really good shots, so I'm really happy with the win,” sabi ni Eala sa post-match interview, kung saan pinasalamatan din niya ang kaniyang mga supporter.
Sunod na kakaharapin ni Eala, kasalukuyang world No. 46, sa susunod na round si Jelena Ostapenko ng Latvia, na kasalukuyang world No. 23.
Dating Grand Slam champion si Ostapenko at nakakuha ng first-round bye sa torneo.
Dalawang beses nang nagkaharap noon ang dalawa at nagwagi si Eala. Sa Miami Open noong 2025, pinataob ng Pinay ace ang pambato ng Latvia sa iskor na 7-6, 7-5.
Nakalusot din si Eala kay Ostapenko sa laban nila sa Eastbourne Open via walkover matapos magkaroon ng injury ang huli.
Pero hindi sa clay surface naglaban noon ang dalawa, hindi tulad ngayon.
Naging Grand Slam champ ang 28-anyos na si Ostapenko sa 2017 French Open na isang clay-court tournament.
Ayon sa WTA, may 62.5% na panalo sa laban sa clay court si Ostapenko, mas mataas sa 39.5% win rate ni Eala naturang uri ng court.
Magaganap ang kanilang laban sa Miyerkoles sa ganap na 7 p.m. (Philippine time).—FRJ GMA Integrated News
