Nagwakas na ang kampanya ni Alexandra “Alex” Eala sa Upper Austria Ladies Linz Open matapos siyang talunin ni Jelena Ostapenko sa iskor na 6-4, 7-5, sa kanilang laban sa Round of 16 nitong Miyerkoles ng gabi.

Kamuntik nang mapuwersa ni Eala ang isang deciding set matapos siyang makakuha ng 4-0 na kalamangan sa ikalawang set. Pero, nakabawi si Ostapenko.

Nakabalik ang Pinay tennis star at nakalapit sa isang game para mapahaba ang laban. Subalit ipinakita ni Ostapenko ang kaniyang pagiging kampeon sa pamamagitan ng pagwawagi ng anim na sunod-sunod na game upang tuluyang maselyuhan ang panalo.

Sa unang set, nakakuha rin si Eala ng 4-2 na kalamangan bago kunin ng 2017 French Open champ na si Ostapenko ang sumunod na apat na game at ibulsa rin ang naturang set.

Bago makaharap si Ostapenko, tinalo ni Eala si Julia Grabher, 6-4, 6-3, sa Round of 32.

Kasalukuyang world No. 46 si Eala, habang No. 23 naman si Ostapenko ng Latvia.

Sa clay court nagharap ang dalawa. At ayon sa WTA, may 62.5% na panalo sa laban sa clay court si Ostapenko, na mas mataas sa 39.5% win rate ni Eala naturang uri ng court.

FRJ GMA News