Bahagyang tumakbo at ilang beses nag-jumping jack sa harap ng media si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para ipakitang maayos ang kaniyang kalusugan. Inaya rin niyang mag-exercise ang mga naghihinalang may malubha siyang sakit.
''Can you tell – can you tell everyone na kalokohan na ‘yan. Ayan o, this is a…Hindi ito, hindi ito sa tape. It is the – I am carrying my statement for this afternoon, which is what I'm going to make,'' sabi ni Marcos nitong Lunes.
Sinabi ni Marcos na sinungaling ang lahat ng nagsasabing may sakit siya at hinikayat ang publiko na huwag maniwala. Binigyang-diin niya na maaayos ang kaniyang kalusugan.
''Kaya mula ngayon, ‘yung mga taong ‘yan na nagsabi sa inyo na may sakit ako, na baldado na ako, ha? Alamin ninyo – ngayon alam ninyo, puro sinungaling ‘yang mga ‘yan,'' giit ni Marcos.
''Kaya't lahat ng sasabihin ng mga ‘yan, kasinungalingan. Kaya't huwag niyo nang paniwalaan kung sino man ‘yung mga ‘yun. Now you know who the liars are and who is telling the truth,'' dagdag ng pangulo.
Inihayag din ng Pangulo na tatlong buwan na siyang hindi nagpupunta sa ospital, at bumalik na sa normal ang kaniyang diyeta at ehersisyo.
''I haven't been to the hospital for three months and even then it was just to have a CAT scan because the CAT scan – to tell my doctors if the diverticulitis has completely been fixed. And it was and I'm done,'' ayon kay Marcos.
Nang tanungin kung umiinom siya ng gamot na pang-maintenance, sinabi ni Marcos na umiinom siya ng tableta para sa gout at high blood pressure.
''Maintenance medicine for ano – I have two, one for gout which is Allopurinol. Nasa lahi namin mga Ilokano magka-gout eh and the other is for high blood pressure, for hypertension. Those are the only two medicines that I take,'' ani Marcos.
''The others that I take are – no, nothing really. When I have allergies, I take an antihistamine. Pero wala naman ngayon,'' dagdag niya.
Matapos ang kaniyang press conference, lumabas si Marcos sa compound ng Palasyo at bahagyang tumakbo habang kasabay ang ilang mamamahayag para ipakita pa rin na maayos ang kaniyang pangangatawan.
Nauna rito, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Dave Gomez na ang pagdami ng maling impormasyon sa social media, partikular tungkol sa kalusugan ng Pangulo, ay may layuning pabagsakin ang pamahalaan.
Ayon kay Gomez, natukoy ng Anti-Fake News Desk ng PCO ang bigla at organisadong pagdami ng disinformation sa social media, at maging ang pag-atake sa mainstream media ng mga troll. -- Anna Felicia Bajo GMA News

