Naghaharap sa mga kasong graft o katiwalian at plunder o pandarambong, si Senador Jinggoy Estrada. Ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawa at bakit pinapayagan ng korte na makapagpiyansa ang akusado sa graft case habang walang piyansa ang plunder kaya nakukulong ang inaresto habang dinidinig ang kaso? Alamin.
Sa segment ng Unang Hirit na “Ask Me! Ask Atty. Gaby!” ni Atty. Gaby Concepcion, inilahad na nahaharap si Estrada sa mga kasong graft at plunder sa Sandiganbayan na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa alegasyon ng Ombudsman na tumanggap umano ng kickback si Estrada sa flood control projects. Mariing itinanggi ng senador ang paratang.
Naglagak ng piyansa sa halagang P90,000 ang senador para sa kasong graft para sa kaniyang pansamantalang kalagayaan. Pero nahaharap siya sa kasong plunder na non-bailable kaya makukulong ang senador habang dinidinig ang kaniyang kaso.
Paliwanag ni Atty. Gaby, parehong “forms of corruption” sa mga public official ang graft at plunder pero nagkakaiba sa batas na kumikilala at nagde-define sa kanila dahil pareho silang special laws.
Ang graft umano ay sakop ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act No. 3019, at nakalista at tinutukoy sa batas ang mga partikular na gawain ng isang opisyal na ipinagbabawal.
Kabilang dito ang pagpasok sa mga kontrata na dehado ang pamahalaan, pagbibigay ng pabor kapalit ng mga regalo, pagbibigay ng lisensya o permit sa isang hindi karapat-dapat na makakuha nito, pag-abuso sa posisyon, pagkakaroon ng interest sa isang business o kontrata na mayroon opisyal na relasyon, o pagtanggap ng kickback kapalit ng isang proyekto o transaksyon.
“Kahit na isa lamang na pagkakataon, kahit na gaano kaliit o kalaki ang involved ay kaso na sa ilalim ng RA 3019,” saad niya.
Samantala,mas mabigat umanong krimen ang plunder o pandarambong.
“Ang plunder ay napapasailalim ng Republic Act No. 7080. Ang plunder ay naituturing na nangyayari kapag ang isang public official ay nakaipon o nakapagkamal ng ill-gotten wealth sa pamamagitan ng marami o kombinasyon ng ilang ilegal na gawain,” paliwanag ni Atty. Gaby.
“Hindi ito tulad ng graft sa ilalim ng RA 3019, na isang transaction lang, guilty na,” dagdag niya.
Ayon kay Atty. Gaby, dapat maipakita sa plunder ang systemic at may kombinasyon ng mga gawain ng katiwalian.
“Hindi minsanan na transaction lamang, maaaring pagtanggap ng mga kickback o komisyon, malversation of public funds, pang-aabuso ng posisyon para mapayaman ang sarili sa paggamit ng public funds,” anang abogado. “At ang minimum amount [na sangkot sa kaso] ay P50 million.”
Kung hindi aabot sa P50 milyon ang sangkot na halagang pinag-uusapan sa kaso, mauuwi lang umano ang kaso graft and corruption at hindi sa plunder.
Tungkol sa piyansa, sinabi ni Atty. Gaby, kahit pinayagan ang akusado na magpiyansa sa kasong graft para sa pansamantalang kalayaan ng akusado, dapat na tiyakin na dadalo siya sa pagdinig ng korte.
“Kaya't ang graft ay usually isang bailable offense at talagang nakakapagpiyansa ang akusado at malaya ito habang nililitis ang kaso. Ngunit ang plunder ay may kaparusahang life imprisonment kaya itinuturing itong non-bailable kapag malakas ang ebidensiya laban sa akusado,” dagdag niya.—FRJ GMA News
