Nanguna si Senador Robin Padilla sa isinagawang survey ng Pulse Asia para sa mga posibleng maging kandidato sa pagka-senador sa halalan sa Mayo 2028.
Sa survey na isinapubliko ng Pulse Asia nitong Miyerkoles na isinagawa mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 3 at 6, nanguna si Padilla matapos na makakuha ng 48.4% na suporta mula sa mga respondent. Sinundan siya ni Pasig City Mayor Vico Sotto, na may 47.9%.
Mula sa 53 pangalang ipinakita sa mga respondent, 17 personalidad na karamihan ay mga kasalukuyan at dating mambabatas, ang may statistical chance na manalo kung isasagawa ngayon ang halalan.
Kasama sa listahan sina Senador Raffy Tulfo, 43.9%; Senador Alan Peter Cayetano, 43.2%; Senador Loren Legarda, 40.3%; dating senador Manny Pacquiao, 35.6%; at Makati City Mayor Nancy Binay, 32.4%.
Pasok din sa “winning list” sina Education Secretary Sonny Angara, 27.2%; Senador Mark Villar, 26.1%; Ben Tulfo, 20.7%; Senador Jinggoy Estrada,19.5%; Willie Revillame, 19.0%; Senador Francis Escudero, 17.2%; dating AnaKalusugan Party-List representative Michael Defensor, 17.1%; dating Senador Manuel Roxas II, 17.1%; Interior Secretary Benhur Abalos, 17.0%; at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer (COO) Mark T. Lapid, 16.9%.
Ipinakita rin sa survey na 89% ng mga Pilipino ang nagsabing interesado sila sa halalan sa Mayo 2028. Gayunman, 19% lamang ang may kompletong listahan o nagpahayag ng suporta sa 12 posibleng kandidato sa pagka-senador.
May kabuuang 2,400 adults ang personal na tinanong sa survey. Mayroon itong ±2% margin of error para sa 95% confidence level. Habang tinataya na mayroon itong ±4% margin of error para sa Metro Manila, rest of Luzon, Visayas, at Mindanao. –FRJ GMA News


