Binalikan ng rapper at singer na si Gloc-9 ang kaniyang buhay noong kaniyang kabataan, at isa sa rito ang pagiging barker niya upang tulungan ang kaniyang ama na jeepney driver sa Binangonan, Rizal.

Sa nakaraan niyang guesting sa “i-Listen” ni Kara David, ikinuwento ni Gloc-9, o Aristotle Pollisco sa tunay na buhay, na lumipad ang kaniyang ama sa Saudi Arabia noong maliliit pa sila para sa kanilang kinabukasan.

Kalaunan, bumalik ang kaniyang ama mula sa abroad, ngunit nawalan ito ng trabaho sa Pilipinas.

“Noong bumalik ang tatay ko, mas nagkaroon kami ng bonding dahil ako naman ang kaniyang konduktor kapag nagbibiyahe kami ng jeep. Siyempre, wala na siyang work eh nu’ng bumalik siya ng Pilipinas,” kuwento ng rapper.

Kuwento pa ni Gloc-9, binili ng kaniyang ama ang sasakyang panghakot ng isda ng kaniyang tiyuhin, at ito ang ginawa nilang pampasaherong jeep.

“‘Binangonan! Binangonan! Binangonan!’” pag-alala ni Gloc-9 na kaniyang pangtawag noon sa mga pasahero.

Sa pagtulong niya sa ama sa pamamasada, natuto si Gloc-9 na magmasid at obserbahan ang mga tao.

“Part din ‘yun ng childhood ko... Ang upo ko kasi doon, hindi naman ako 'yung nakasabit sa labas. Ayaw ni tatay. So meron akong maliit na bangkito. So nakaupo ako sa gitna nu’ng aisle sa pagitan ng lahat ng pasahero para kita mo lahat ng pasahero. Alam mo kung sino 'yung hindi pa nagbabayad. So naririnig mo lahat ng pinagkukuwentuhan nila,” kuwento niya.

Itinuturing ni Gloc-9 na biyaya sa kaniya ang makiramdam sa iba.

“Siguro kung meron man akong isang regalo na bigay sa akin, I see people, I hear people, I feel people, na malaking bagay sa pagsusulat ko ng kanta,” saad niya.

Bukod dito, nagtrabaho rin siya bilang isang kitchen helper sa commissary ng isang Japanese fast food sa mall, at naglinis ng kanal.

“Pagdating ko ng 7 a.m., lilinisin ko 'yung garahe, kasi umalis na lahat ng delivery truck. Linisin ko 'yung garahe, labas ko lahat ng trash. Tapos lilinisin ko 'yung kanal sa tapat ng establishment,” aniya.

“Kung mayroong naituro sa akin ang mga magulang ko, make sure na kung ano ang opportunity na nasa harapan mo ngayon, ‘yun ang pinakamagandang opportunity ngayon. Pag-igihan mo dahil it leads to your next opportunity. It will lead you to your next work,” pagbahagi niya.

Sinabi pa ni Gloc-9 na naging malaking tulong ang kaniyang mga naging trabaho pagdating sa maturity ng kaniyang pagsusulat.

Mahilig magsulat

Pagkaka-alala ni Gloc-9 noong kaniyang elementarya, madali para sa kaniya ang makaisip ng mga slogan para sa poster making contest.

“Napansin ko parang madali sa akin 'yung gano'n, mag-construct ng mga lines. Hindi ko pa siya na-associate sa music noon. Alam ko lang madali sa akin ‘to. O sa Tagalog, mas madali ko nai-express 'yung sarili ko,” paliwanag niya.

Nakadagdag rin sa kaniyang talent ang pagtira nila sa Morong, Rizal, kung saan malalim ang pagsasalita ng Tagalog.

“I think 'yung love ko sa pagsusulat ang talagang nagtulak sa akin na mag-improve,” sabi niya.

At dahil mayroon silang sari-sari store, naririnig din ni Gloc-9 ang mga kuwento ng kanilang mga customer.

“‘Yung kuwento ng bumibili sa ‘yo, naririnig mo na eh. Tapos ‘yung mga kapitbahay mo na ‘pag dumadaan lagi doon, naririnig mo nga ‘yung kuwento nila. So lahat ‘yun, I think, nagpatong-patong noong childhood days ko,” patuloy niya.

Taong 2003 nang i-release ni Gloc-9 ang kaniyang unang kanta na sumikat na “Simpleng Tao.”

“‘Yung song na ‘yan ay co-writer ako ni Christian Martinez. Binigay niya na ‘yung melody. Sabi niya, ‘lagyan mo ng letra.’ So, niletrahan ko siya. Siyempre, nanggaling ako sa hip-hop, sa rap na parang, ‘Rapper ako eh. Bakit mo ako papakantahin ng ganito?’ ‘Yan ‘yung itinuro sa akin ni Enrico Santos noon, isa sa mga mentor ko na okay lang naman na tingin mo ikaw ay isang mahusay na rapper. Pero until you reach a wider audience, medyo hindi madali. Kung gusto mo talagang tumagal, kailangan mo ‘yan,” pagbahagi pa niya.

Tunghayan sa “i-Listen” ang buong panayam ni Kara kay Gloc-9. Panoorin. —FRJ GMA News