Maaga mang naging ina sa edad na 15, hindi ito naging hadlang sa isang babae sa Pasig City para maabot ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Sa kaniyang Facebook post, ipinakita ni Hanessy Billones Teodoro, ang graduation shoot photo kasama ang kaniyang anak.

Sa caption ng larawan, ikinuwento ni Hanessy ang kaniyang karanasan sa hirap ng pag-aalaga sa kaniyang anak at pagpapatuloy ng pag-aaral.

Dahil wala umanong mag-aalaga sa kanyang anak, napilitan siyang dalhin ang bata sa pinapasukang eskwelahan kung saan madalas daw silang mapagkamalang magkapatid.

Sa kabila ng kaniyang sinapit, hindi raw ito naging hadlang para maabot ni Hanessy ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

At ngayong taon, magtatapos si Hanessy sa kursong psychology.

"Gusto ko lang ipaalam na hindi porket nabuntis nang maaga ay wala na agad pag-asa sa buhay at hanggang dun na lang yun," saad niya sa post.

"Kung gugustuhin may paraan, kung ayaw maraming dahilan. Proud ako kasi may anak akong anim na taong gulang na, pareho kaming pumapasok sa school para maabot ang tagumpay," dagdag niya.

READ: UNFPA report raises alarm over teen pregnancy, adolescent sex in PHL

Noong nakaraang taon, iniulat ng United Nations Population Fund na bagaman pababa ang bilang ng teen pregnancy sa Asia Pacific region, tumataas naman ito sa Pilipinas.

Sa isang datos umano noong 2013, lumitaw na isa sa bawat 10 Pinay sa edad na 15 hanggang 19 ang nabubuntis.


Mula noong taong 2000, pataas na umano ang marka ng teen pregnancy sa bansa. -- FRJ, GMA News