Dagdag hinagpis pa sa isang pamilya sa Minglanilla, Cebu ang pahirapang paglilibing sa kanilang namatay na kamag-anak.
Sa tulong ng 10 lalaki, nag-ober da bakod pa ang kabaong ng patay ng pamilya Obsioma para lamang maihatid sa huling hantungan dahil sa wala itong ibang madaaanan.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "24 Oras" nitong Sabado, ang lugar pala ay napalilibutan ng mga pribadong lupa na tinayuan ng matataas na pader nito lamang Marso.
May daanan ngang ibinigay para sa mga residente, subalit ito ay aanim na pulgada lamang.
"Humihingi kami ng right of way tapos napagod na lang kami lalo na mahirap kami," sabi ng isang miyembro ng pamilya Obsioma na si Ezil.
Ayon naman sa kapitan ng barangay, nagbigay na ang may-ari ng lupa ng tig-P10,000 sa 29 na residente para umalis sa pribadong lugar.
"Ang iba sa kanila na nakatira, binayaran na pero lumipat lang din sa katabing lupa," sabi ni Kapitan Loreto Balorio.
Ang mga namatayan naman na nagrereklamo, inalok din daw na iburol ang pumanaw na mahal sa buhay sa kapilya ng barangay pero tumanggi umano sila.
Sa ngayon, patuloy pa ring nireresolba ang isyu tungkol sa lupa. —Anna Felicia Bajo/ALG, GMA News
