Isang grupo ng mga panadero ang nakaligtas matapos maipit ng siyam na araw sa bakbakan ng militar at Maute group sa Marawi City. At sa ilang araw nilang pagkukubli sa isang inabandonang bahay, pati karton na nilagyan nila maruming tubig, kanilang kinain para mabuhay.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras " nitong Biyernes, sinabing tila tulala at putlang-putla nang muling makita ni Gregorio Candao ang 16-anyos niyang anak na si Roger, na kabilang sa mga panaderong mapalad na nakatakas sa Maute.

Nasa ikaapat na araw na umano ng bakbakan sa Marawi noong May 26  nang mapilitan si Roger at kaniyang mga kasamang panadero na lisanin ang pinapasukang bakery.

Pero naipit na sila sa labanan at napilitang magtago sa isang bahay. Nang wala na silang makain, maski karton na nilagyan nila ng tubig kahit marumi, kanila nang kinain.

Minsan din daw pumasok ang mga terorista sa pinagtataguan nilang bahay at nagsiksikan silang magkubli sa isang kuwarto.

Habang nasa loob ang mga miyembro ng Maute, hindi umano sila gumalaw mula sa kanilang kinalalagyan para hindi makagawa ng ingay.

Nitong May 31, nagpasya na raw silang iwan na ang bahay dahil wala na silang makain, at lakas-loob na tumakbo kung saan namataan sila ng mga bandidado pinagbabaril.

Habang papatakas, pinaputukan daw sila ng mga terorista at tinamaan ng bala sa kaliwang binti at nadaplisan sa ilong si Edwin Makalipay, na kasama sa mga nakaligtas.

Sinawing-palad naman ang isa pa nilang kasama na nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo.

Masakit man sa kalooban ng nakaligtas din na si Jimar Giwanay, wala na raw siyang nagawa kung hindi iwan ang kaniyang kuya upang mabuhay sila ng kaniyang mga kasama.

At matapos ang ilang kilometrong paglalakad, laking pasasalamat daw nila nang makita na nila ang mga sundalo.

Sa ngayon, may anim pa raw silang mga kasamahan na patuloy na naiipit sa bakbakan sa Marawi at hindi nila alam kung buhay o patay na ang mga ito. -- FRJ, GMA News