Inaasahan ng mga nagsasaliksik sa Amerika na makatutulong sa paghahanap ng lunas para mapabagal ang pagtanda ng tao ang positibong resulta sa ginagawa nilang pag-aaral sa mga daga.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing positibo ang resulta sa ginagawang eksperimento ng mga nagsasaliksik sa pagkontrol sa pagtanda ng mga daga.

Ang mga matatandang daga, tinurukan daw ng stem cell mula sa isang bahagi ng utak ng bubuwit o bagong silang na daga.

Lumitaw umano sa kanilang pagsusuri na 10 hanggang 15 porsiyento ang inihaba ng buhay ng mga daga na tinurukan ng stem cell, kumpara sa mga daga na hindi tinutukan.

Umaasa ang mga dalubhasa na makatutulong ang kanilang natuklasan sa pag-aaral kung paano naman makokontrol ang pagtanda ng mga tao. -- FRJ, GMA News