Umani ng iba't ibang reaksyon sa netizens sa wedding proposal na naging viral sa social media kung saan kunwaring inaresto ng pulis ang lalaki bago inalok ng kasal ang kaniyang kasintahan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video na kunwaring pag-aresto ng pulis ang lalaki dahil kinasangkutang hit and run na kaso.
Matapos na posasan ng nakaunipormeng pulis ang lalaki, inilabas ito sa kalsada habang nakasunod ang nag-aalalang kasintahan.
Pinaluhod pa ng pulis ang lalaki at saka inabot sa babae ang nakatiklop na papel na "arrest warrant" umano ng nobyo.
Pero nang buksan ng babae ang papel, dito na niya nakita ang nakasulat na "will you marry me?"
Habang nakaluhod, inilabas na ng lalaki ang engagement ring at tinanggap ng babae ang alok ng kasal ng nobyo.
Bagaman marami ang natuwa at kinikilig, mayroon din hindi nagustuhan ang mala-"tokhang" na proposal ng lalaki.
Pero paliwanag ng pulis na si Police Officer 2 Ronnie Beñosa Candelaria na nasa video, kaibigan niya ang lalaking nag-alok ng kasal sa kasintahan.
Humingi raw ito sa kaniya ng tulong para makagawa ng kakaibang paraan para sa pag-propose sa nobya at kaniya namang pinagbigyan.
Wala umano siyang nakitang masama kahit pa naka uniporme siya at nataon sa panahong sunod-sunod ang nato-tokhang.
Bukod dito, tapos na raw ang kaniyang duty nang gawin ang video.
Masaya raw si Candelaria na naging tulay sa panibagong yugto ng buhay ng kaniyang kaibigan.
Maging si PNP Chief General Ronald "Bato" dela Rosa, wala ring nakikitang masama sa proposal na kasama ang isa niyang tauhan.
"Kung pre-arranged naman ang usapan sa aarestuhin at makakatulong sa kaniya, wala naman na-violate dito," ayon sa opisyal na nagsabing nakatulong ang pulis para maalok ng kasal ang kasintahan. -- FRJ, GMA News
