Nakunan sa video ang pag-indak ng isang lalaki habang humahataw ng sayaw kasama ang isang babae sa harap ng altar ng isang simbahan sa Plaridel, Bulacan. Ang lalaki pala sa video, ang mismong pari na nag-party sa simbahan dahil sa kaniyang kaarawan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Balitanghali," nitong Martes, kinilala ang sumasayaw na lalaki na si Reverend Father Wilfredo Lucas, ng San Miguel Arcangel Parish Church.
Lalong nagningning ang altar dahil sa makukulay na ilaw.
Pero hindi nagustuhan ng mga parokyano ng simbahan ang ginawa ng pari lalo na't may nakatakda na namang ballroom night na gawin sa loob ng simbahan sa Pebrero 10.
Inihayag ng ilang parishioner ang kanilang pagkadismaya sa ginagawa sa loob ng kanilang simbahan.
"Ang harap ng simbahan ay sambahan, hindi sayawan," sabi ng isang babae.
"Dapat hindi ganyan. Respeto sa mga tao," sabi naman ng isa pang parokyano.
"Altar 'yun eh. Dapat nagdarasal 'dun hindi nagsasayaw," dagdag ng isa pang parokyano.
Una nang ipinaliwanag ni Father Lucas na sa loob na lang ng simbahan gawin ang mga naturang okasyon para umano makatipid sa gastusin sa venue.
Sinubukang kunin ng GMA News pahayag ng pari sa kaniyang bahay, pero nakasarado ang gate at wala roon si Fr. Lucas.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
