Viral ngayon ang video ng isang kaawa-awang lola sa Bacolod City na dinukutan ng pitaka habang nasa loob ng pampasaherong jeepney. Nabisto naman niya ang katabing pasahero na siyang dumukot sa kaniyang pitaka pero nakagawa pa rin ito ng paraan para makatakas.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa video na hindi mapakali ang lola dahil hindi niya makita ang kaniyang pitaka.
Ang katabi namang babae, kapansin-pansin ang nakahalukipkip ang mga kamay at tila patay malisya sa nangyayari.
Ilang saglit pa, napansin ni lola na may hawak ang suspek na kaniyang kinumpronta.
"Akin yan!" sigaw ng suspek nang makita sa kaniya ng lola ang wallet.
Pero sa halip na isauli ang pitaka, ibinato ito ng suspek palabas ng jeepney.
Kasunod nito ay tumakbo na rin palayo ang jeep ang suspek na nakatakas kahit hinabol ng traffic enforcer.
Naibalik naman sa lola ang pitaka niyang naglalaman ng P700.
Samantala sa EDSA-Baclaran, hindi rin nakawala ang isang suspek sa panghoholdap sa isang bus.
Nakunan din sa video na ilang beses siyang sinuntok ng kaniyang biniktima.
Galit maski mga naabalang pasahero, habang nagmamakaawa ang umaming suspek.
Dinala sa police station ang kalabosong lalaki, ayon kay YouScooper Jobelle Plama.
Tips kontra holdap
Sa nakaraang ulat ng "24 Oras," isang UV express naman ang nabiktima ng holdap sa bahagi ng Buendia, Pasay City.
Ayon sa driver ng UV express na si Alex Valderama, 22 taon na siyang pumapasada at at tatlong beses na umano siyang naholdap.
"'Pag nasakyan ako ng ganyan [naiisip ko] ibabangga ko o tatalon ako. Pero hindi mo pa rin magagawa pala. Kapag oras na, kahit anong tapang mo, na sinasabi mo na ibabangga mo, hindi mo kaya pala," pag-amin ni Valderama.
Sinabi ni Valderama, na tanggap na niya na bahagi na ng kanilang buhay ang peligro ng holdap, lalo pa't walang nahuli sa mga inireklamo niyang humoldap sa kaniya.
Payo ng isang security expert sa mga driver, laging maging mapagmasid, at suriin ang itsura at kilos ng mga pasahero.
Iwasan din umanong magsakay o magbaba sa mga alanganing lugar kung maaari.
"Ang palaging tinatarget nila ay yung mga area na medyo poorly lighted, madilim at walang nagpapatrol na pulisya, walang checkpoint 'yan 'yang mga area na 'yan," sabi ni Bong Oteyza, security expert.
Pinapayuhan din na huwag nang lumaban kung sakaling maholdap dahil armado at handang manakit o pumatay ang marami sa mga holdaper.
Makabubuti rin umano kung maglalagay ng daschcam sa sasakyan dahil iniiwasan ito ng mga kawatan dahil posibleng magamit ito para matukoy sila ng mga awtoridad.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
