Isang aso sa Laguna ang kinaaaliwan ng mga nakapanood ng kaniyang video habang tila sumasabay sa pagsayaw sa nauusong "Bboom Bboom" dance craze.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, ipinakita ang video na ini-upload ni Youscooper Iza Suarez Estinopo ng San Pedro, Laguna, habang nakatayo sa dalawang paa ang kaniyang aso at tila umiindag.

Matatandaan na ilang video na ang nag-viral sa social media habang kumakasa sa "Bboom Bboom" dance craze ang mga lalaki, babae, matanda at maging ang mga bata.

Ayon kay Estinopo, tila napapasayaw ang kaniyang alagang aso tuwing kakamutin niya ang likod nito na sinabayan niya ang pagkanta ng "Bboom Bboom" song ng Momoland. --FRJ, GMA News