Nabahala ang mga nakabasa sa social media post tungkol sa babaeng basta na lang umano nanunusok ng karayom sa Digos City, Davao del Sur. Pero hindi ang tusok ng karayom ang higit na ikinatakot ng mga tao kung hindi ang umano'y posibilidad na kontaminado ng HIV/AIDS ang karayom na ginagamit ng babae.

Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing kumalat sa social media ang bali-balita tungkol sa babae na nanunusok umano ng karayom na may heringgilya na posibleng may dalang sakit.

Nitong Lunes ng umaga, humingi umano ng tulong sa tanggapan ng alkalde ang dalawang babaeng nabiktima ng panunusok ng karayom ng babae.

Kuwento nila, bigla lang umano silang nilapitan ng babae at tinusok ng karayom na nagdulot ng pagdugo.

Pero paglilinaw nila, walang syringe o heringgilya ang ginamit na pantusok sa kanila ng babae, taliwas sa mga kumalat sa social media.

Kahit wala pang nararamdamang kakaiba ang mga biktima bunga ng pagtusok ng karayom, binigyan na sila ng tetanus toxoid.

Sa follow-up operation, nahuli ng mga awtoridad ang babaeng nanunusok umano ng karayom na napag-alaman na may problema sa pag-iisip.

Tubong-Bansalan, Davao del Sur ang babae na mayroon na rin umanong record ng panunusok ng karayom sa mga nakakasalubong na tao sa kanilang lugar.

Kinilala ng isang biktima ang babae na siyang tumusok sa kaniya ng karayom.

Kasunod ng pagkakahuli sa babae, nanawagan naman ang mga awtoridad at si Mayor Joseph PeƱas, na huwag magpakalat ng maling balita at impormasyon sa social media para hindi magdulot ng takot sa mga tao.-- FRJ, GMA News