Isang online application ang ginawa sa Brazil na layong matugunan ang dalawang problema sa bansa—ang kahirapan at basura.
Sa pamamagitan ng Brazilian trash disposal app na 'Cataki', naitatawag ang mga itatapong recyclable materials sa mga tao na ang hanap-buhay naman ay pangangalakan ng basura, ayon sa ulat ng Reuters.
Dahil tumataas umano ang antas ng kahirapan sa Brazil, malaking tulong ang app para madagdagan ang kita ng mga nangangalakal ng basura. Kasabay nito, nagiging maayos naman ang pagtatapon ng mga basura.
Ayon sa kay Thiago Mundano, isa sa mga taong nasa likod ng app, nagiging popular na ang kanilang ginawa at dumadami na rin ang mga nagkokolekta ng basura na nagrerehistro sa app.
Dahil sa app, inaasahan din na tataas ang recycling rate sa kanilang bansa at maging ang kita ng mga nangangailangan.-- Reuters/FRJ, GMA News
