Marami ang natuwa sa ginawang pagmamalasakit ng isang pastor na pakainin at ayusan ang isang pulubi. Ito rin ang naging daan para matunton ang pulubi ng mga kaanak na matagal nang naghahanap sa kaniya.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, makikita sa larawan na ipinost ni Pastor Franklin Goden sa social media ang madungis na pulubing si Erwin Dean.

Mahaba ang kaniyang buhok at balbas at naghahanap daw noon ng pagkain sa basurahan na malapit sa isang mall sa Quezon City.

Dahil sa habag, pinakain ni Goden si Dean, ibinili ng damit, pinaliguan, at saka dinala sa barber shop para magupitan at maahitan.

Ikinatuwa naman ng netizen ang malaking pagbabago sa hitsura ni Dean matapos maayusan. Pinuri din nila ang ipinakitang pagmamalasakit ni Goden sa pulubi kaya nag-viral ang kaniyang post.

Nakarating naman sa kaalaman ng mga kapatid ni Dean ang nag-viral nitong larawan. Napag-alaman na matagal na nilang hinahanap ang kapatid.

Nakipag-ugnayan umano kay Goden ang mga kapatid ni Dean. -- FRJ, GMA News