Isang ulo ng sanggol na pinaniniwalaang ipinalaglag ang nakitang kagat-kagat ng isang tuta sa Campo 7 sa Minglanilla, Cebu. Ang katawan nito, hindi pa natagpuan.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inakala noong una nang nakakitang residente na manika lamang ang kagat ng tuta.
Pero natuklasan na ulo pala ito ng sanggol nang iwan na ng tuta sa tabing kalsada.
Hindi pa matukoy ang kasarian ng sanggol, ngunit natagpuan ng mga residente sa ‘di kalayuan ang isang damit na posibleng ipinambalot sa sanggol.
Inilibing na ang ulo ng sanggol.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na ipinalaglag ang sanggol na bagong silang pa lang.
Patuloy na inaalam kung sino ang ina ng sanggol at sino ang nagtapon sa katawan nito. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
