Nakapagtapos sa kolehiyo ang isang lalaki dahil sa mga premyong napanalunan niya sa pagsali sa iba’t-ibang online contest at raffle, ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA News nitong Sabado.

Kabilang sa mga napanalunan na ni Klarck Tacalan ay mga smartphone, GoPro action camera, cash prizes, gift certificates, at pati na rin insurance coverage.

Kahit trip to Hong Kong at ticket para sa concert ng mga international singers katulad ni Bruno Mars ay nasungkit din niya.

Maging sa Kapuso Milyonation, nakuha  niya ang P300,000 na grand prize sa mobile app promo.

Naging aktibo rin si Tacalan sa pagbabahagi ng nakatutuwang larawan sa social media. Sa katunayan, si Tacalan ang nasa likod ng viral photo ng mga nakapilang hipon habang ninanakaw ng isang hanay ng mga langgam

Nang magkasakit ang ama ni Tacalan at hindi na kayang tustusan ng kaniyang pamilya ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, naisipan niyang sumali sa mga contest sa social media para tugunan ang kanyang pangangailangan.

Ipinagbibili raw ni Tacalan ang iba sa kanyang mga naging premyo kaya nakaipon siya ng panggastos sa kolehiyo.

Ilang taon ding suki ng mga promo si Tacalan hanggang sa makapagtapos siya sa kursong Bachelor of Arts in Secondary Education.

Ayon kay Tacalan, mas pinahahalagahan niya ang mga biyayang natatanggap niya ngayon dahil sa naranasan niyang mga pagsubok.

“Hindi mo ma-appreciate ang taas kung hindi ka nanggaling sa ibaba, at hindi mo rin ma-appreciate ang liwanag kung hindi ka nanggaling sa dilim,” sabi ni Tacalan. —Joviland Rita/KG, GMA News