Nabisto ang modus ng isang babae sa Bulacan na nagpanggap na naanakan siya ng isang senior citizen para makahingi ng pera na pangsustento umano sa kanilang anak.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Jennelyn Faustino, na naaresto sa inilatag na entrapment operation sa Bulakan, Bulacan.

Sa video, kaagad na kumilos ang mga awtoridad para arestuhin si Faustino nang tanggapin na niya ang perang galing sa 72-anyos na biktima na si Juan de Guia.

Kinikilan umano ng suspek ng mahigit P100,000 ang biktima.

"Kinukuhanan siya ng pera, kumbaga nilansi siya ng suspek. Pinapalabas ng ating suspek na siya 'yung hinahanap niyang babae na naanakan niya. So ang gusto nitong victim natin na suportahan 'yung anak niya du'n," ayon kay Police Lieutenant Colonel Grace Naparato, hepe Bulakan Police.

Aminado naman ang biktima na may nakarelasyon siya na kaibigan ng suspek pero hindi raw niya inakala na ibang tao pala ang tumatanggap ng kanyang sustento.

"'Yung bata, nagtataka ako bakit bata pa 'yung gusto niyang pag-aralin samantalang 2005 pa 'yun. Kaya ako'y nagduda," anang biktima.

"Ang isa pang ipinagduda ko, ├Żung inihulog ko sa bagong bayan ng Bulakan, Bulacan doon sa Palawan, eh bakit pinadala ko sa GenSan, bakit dito din kinuha at winithdraw dito sa bagong bayan? Doon na naging malaki ang pagdududa ko," dagdag pa niya.

Inamin naman ng suspek ang kasalanan na labis na raw niyang pinagsisisihan.

"May anak din po ako, yung anak ko, nag-iisa lang akong magulang niya. Ngayon, wala na siyang magulang, nandito ako. Talagang abot-abot naman po 'yung pagsisisi ko," anang suspek na mahaharap sa reklamong extortion at swindling.-- FRJ, GMA News