Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin nang malapitan ng riding in tandem sa San Ildefonso, Bulacan. Ang biktima, sakay din ng motorsiklo at angkas pa ang asawa nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation" nitong Huwebes, nahuli-cam sa CCTV ang pamamaril sa biktimang si Noel Mariano, na nangyari kahit tirik ang araw at maraming tao.

Nakaligtas naman ang kaniyang asawa.

Sa video, makikita na bumagal ang takbo ng biktima na sakay ng motorsiklo dahil sa dami ng tricycle.

Maya-maya lang, tinabihan na sila ng riding in tandem at pinaputukan sa huli ang biktima.

Nang matumba ang motorsiklo at hindi na gumagalaw ang biktima, kaagad na umalis ang mga salarin.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News