Patok sa mga pasahero ang kakaibang diskarte sa buhay ng isang driver na ginawang tindahan ang minamaneho niyang taxi.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Huwebes, dating tindero sa bangketa ang taxi driver na si William Lucero.
"Hinahabol kami ng MMDA, ng mga taga-city hall kasi nga 'di ba, bawal na ang bangketa. 'Yun, naisipan ko na i-try kumuha ng puwesto ng business," kuwento ni William.
Kahit nakapagpundar na ng tindahang may puwesto, kailangan pa rin daw ng dagdag kita ng pamilya ni William dahil malapit nang mag-kolehiyo ang kaniyang anak kaya naman naisipan niyang magtinda habang pumapasada.
"Nag-start 'yung paninda ko kasi one time, 'yung pasahero ko walang payong, nahirapan siyang bumaba. Naisipan ko, 'di kaya magtinda ako ng payong dito sa taxi," pagbabalik-tanaw ng driver.
Kalaunan, dumami na ang paninda niya—mayroon ng mga pamaypay, selfie stick, powerbank, at headset.
"Pinakamabenta sa akin pag tag-ulan talaga payong. Pag tag-init naman, mabilis sa akin pamaypay at saka electric fan," dagdag pa ni William.
Ipinagmamalaki naman ni Ian Lucero ang kaniyang masipag na ama.
"Karangalan nga rin po sa akin na parang nagtatrabaho po siya 24/7 po para sa amin po. Pa, salamat lahat ng mga ginawa nyo para sa akin at kay mama at thank you po. Salamat. Salamat po," ayon kay Ian. — Dona Magsino/RSJ, GMA News
