Hindi sa kalye, kung hindi sa isang tweet na patungkol sa "sex" nasita ng Philippine National Police (PNP) ang motorcycle hailing firm na Angkas, na kaagad namang humingi ng paumanhin.

“We would like to emphasize that making our riders feel uncomfortable is the last thing we want to do. For this, we sincerely apologize," saad ng Angkas sa kanilang pahayag nitong Huwebes.

Nag-ugat ang kontrobersiya dahil sa Twitter post ng Angkas nitong Martes na naglalayong hikayatin ang publiko na tangkilikin ang kanilang serbisyo. Ang problema, inihalintulad nila sa pakikipagtalik ang pagsakay sa motorsiklo.

 

 

“Angkas is like sex. It’s scary the first time, pero masarap na ulit-ulitin,” saad ng Angkas tweet.

Kinabukasan [Miyerkules], tinawag na ng PNP hotline na may username PNP Tweets, ang atensyon ng Angkas tungkol sa kanilang Twitter post.

“This is not acceptable to commuters. Matatakot ang tao sa Angkas ‘pag ganito.  This is not promoting public safety in transport business anymore,” saad ng PNP Tweets.

Paliwanag naman ng Angkas sa kanilang pahayag, nais lang magpakuwela ng kanilang social media team sa naturang tweet, at ipabatid sa publiko na mapagkakatiwalaan ang kanilang serbisyo kapag nasubukan na.

 

 

Ipinaabot din ng Angkas ang kanilang paumanhin sa kanilang biker-partners na posibleng nadamay sa kontrobersiya.

“Our biker-partners have been trained to respect their riders and make them as comfortable as possible. And no tweet can change that fact,” anang Angkas.

“Sex should never be used to create shame, fear or disgust, and certainly not used lightly for the sake of some buzz,” dagdag nila. — FRJ, GMA News