Dating kasambahay ang trabaho ni Meriam sa Maynila. At isang araw, bigla na lang umano siyang sinuntok sa dibdib ng kaniyang alagang bata na nagdulot ng matinding sakit. At pagkaraan ng isang buwan, may naramdaman na siyang maliit na bukol sa kaliwang dibdib, na kinalaunan ay lumaki nang lumaki.

Nang hindi na raw niya makayanang tiisin ang kaniyang sitwasyon sa Maynila, nagpasya na lang daw si Meriam na umuwi sa Palawan. Dito, isang albularyo naman ang nag-alok na gagamutin ang bukol sa kaniyang dibdib pero pagkaraan ng isang taon ay wala ring nangyari.

Ang masaklap pa, tila nagayuma pa raw siya ng albularyo dahil bigla na lang daw nahulog ang loob niya rito.

Ngunit bukod pala sa tinitiis niyang kalbaryo sa mabigat niyang dibdib na may timbang na ngayong apat na kilo, may iniiinda rin siyang sakit sa dibdib dulot naman ng pagkakawalay sa kaniya ng dalawang anak nang maghiwalay sila ng dati niyang kinakasama.

May kinalaman nga ba talaga ang suntok sa paglaki ng kaliwanag dibdib ni Meriam? Maaari pa kayang magamot ito, at pati na ang emosyonal na sakit na kaniyang nararamdaman tungkol sa kaniyang dalawang anak? Tunghayan ang kaniyang kuwento sa episode na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."


Click here for more GMA Public Affairs videos:

--FRJ, GMA News