Sa loob ng isang taon, mahigit 3,000 tawag umano ang natatanggap ng isang fire station sa Bangkok, Thailand, pero hindi para magpasaklolo tungkol sa sunog kung hindi dahil sa ahas na pumapasok sa mga bahay.

Katunayan sa ulat ng Reuters, ipinakita ang video nang hulihin ng bumbero na si Pinyo Pukpinyo ang isang malaking sawa na nagtago sa kisame ng isang bahay.

Sa 16 na taon niya sa serbisyo, umabot na umano sa 10, 000 ahas ang kaniyang nahuli.

Marami umanong bahay sa Bangkok ang pinapasok ng mga ahas na nagtatago sa mga kanal at nakakarating sa mga hardin, hanggang sa kanilang mga inidoro.

Noong 2018, inihayag ng disaster prevention officials na nakatanggap sila ng 37,000 sumbong tungkol sa mga ahas na nakapasok sa bahay.

Sa nakalipas mga buwan, tinatayang 100 ahas ang nakakapasok daw sa mga bahay sa loob lang ng isang araw na nirerespondehan ng mga bumbero.

Samantalang ang mga humihingi ng tulong para apulahin ang sunog, nasa isa o dalawa lang sa isang araw.

Ayon kay Pukpinyo, sa tinatayang 800 ahas na kaniyang nahuhuli sa isang taon, 70 porsiyento sa mga hindi ay hindi naman makamandag. Habang ang iba, makamandag na uri tulad ng cobra.

Dinadala naman ang mga makamandag na ahas sa mga specialist institute para makagawa ng gamot na pangonta sa kanilang kamandag.

Nasisiyahan naman si Pukpinyo sa kaniyang ginagawa sa paghuli ng mga ahas.

“This job makes me feel like I’m a superhero,” saad niya. “I’m taking care of people who are in danger and in need of help, which makes me happy.”-- Reuters/FRJ, GMA News