Nabasag ang salamin ng bintana at nagkabutas ang upuan at kisame ng isang kotse nang sumabog ang botelya ng alcohol na iniwan umano sa loob sa Cainta, Rizal.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing umangat din ang bubungan ng kotse dahil sa lakas ng pagsabog ng bote ng alcohol na pinaniniwalaang dahil sa init sa loob ng sasakyan.

Ayon kay Joyce Ann Canlas, naiwan ng kaniyang nobyo sa sasakyan ang sumabog ang 500ml na botelya ng alcohol.

Ipinarada raw niya ang kotse sa initan sa labas ng isang warehouse.

"Malalaman mo na sa alcohol talaga 'yun kasi pagkakita mo ng alcohol butas na eh. Thankful naman po ako kasi kung sakaling nandu'n ako, hindi ko rin ma-imagine kung ano ang puwedeng mangyari sa akin kasi wala nga pong naka-imagine na puwedeng sumabog 'yung alcohol," sabi ni Canlas.

Kinumpirma ng Fire Laboratory Services ng Bureau of Fire Protection ang hinala ni Canlas dahil walang ibang pinanggalingan ng pagsabog kundi ang iniwang botelya ng alcohol.

"Alam natin ang mga alcohol maaaring ito ay isopropyl or ethyl alcohol, sila po ay highly flammable. Ibig sabihin po sila po ay mabilis pagmulan ng sunog," sabi ni FO3 Manolito Ybanez, forensic chemist ng Fire Laboratory Services ng BFP.

Sa fire laboratory ginagawa ng forensic chemists ng BFP ang pagsusuri sa mga maaaring makalap na ebidensiya sa isang blast incident para matukoy ang pinagmulan ng pagsabog.

Ayon sa kanila, mapanganib na mag-iwan ng botelya ng alcohol, disinfectant at hand sanitizers sa loob ng sasakyan lalo kung nabuksan o bawas na.

"Isa ito sa mga kemikal or substances na ito na may mabababa silang flashpoint. Ibig sabihin mabilis silang naglalabas ng fumes o mga vapor na maaaring magpataas ng pressure sa loob ng isang container. At kapag tumaas nang tumaas ang temperatura sa paligid, maaari itong magdulot ng pagsabog," paliwanag ni Ybanez.

Ngayon na panahon ng pandemya na laging may dalang alcohol at hand sanitizer ang mga tao, huwag itong iiwanan sa sasakyan dahil hindi ligtas kung maiinitan ang mga ito.

"Maaari pong magkaroon ng sunog maaari pong magkaroon ng explossion. Dalhin na lang po natin sila, kahit na maliit na amount lang po, ilagay na lang natin sa ating bag o sa ating mga lalagyan, huwag na po nating iwanan sa ating mga sasakyan," payo ng opisyal. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News