Matagumpay ang operasyon sa utak ng isang babaeng guro sa Quezon City para maialis ang kaniyang tumor, habang siya ay gising at tumutugtog ng flute at nagbibilang.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood sa video ng Department of Anesthesiology ng East Avenue Medical Center ang isinagawang operasyon sa 32-anyos na high school teacher sa Quezon na si April Oliveros.
Tumutugtog ng flute si April habang inooperahan upang tanggalin ang tumor sa kaniyang utak, na isang paraan ng brain surgery na tinatawag na awake craniotomy.
"The good thing about awake craniotomy is that we allow the surgeon to remove the brain tumor without damaging the patient's brain, kasi gising po 'yung pasyente habang inooperahan," sabi ng anesthesiologist na si Dr. Tata Abalajon.
"With awake craniotomy we are able to monitor the patient intraoperatively, 'yung namo-monitor namin 'yung motor niya, napag-play namin siya ng flute. 'Yung speech, pinagsalita rin namin siya," dagdag ni Dr. Abalajon.
Pinagbilang din si Teacher April bukod sa kaniyang pagpaplawta.
Ayon sa ulat, mahalaga na willing ang pasyente na sumailalim sa ganitong klase ng operasyon, maliban pa sa abilidad ng mga doktor.
Naging matagumpay ang operasyon kay Teacher April.
Ayon sa kaniya, halos wala siyang nararamdaman habang isinasagawa ang operasyon.
"Parang may kinakalikot lang po doon sa ulo ko. Tapos naka-fix naman po 'yung ulo ko, nakatagilid ako dito sa may bandang right side habang kinakausap ako ng mga neurologists. Buong operation kinakausap nila ako, nakikipagbiruan sila sa akin. Hindi ko po naramdaman na kailangan kong matakot," anang guro.
Tatlong ospital pa lang sa bansa ang nagsasagawa ng ganitong klase ng brain surgery sa kasalukuyan, at isa na rito ang East Avenue Medical Center kung saan kabilang si Dr. Abalajon. —Jamil Santos/LBG, GMA News
