LEZO, Aklan- Dinagsa ng mga residente magmula sa iba't ibang bayan sa Aklan ang pagbubukas ng Singapore-themed Christmas lights display sa bayan ng Lezo nitong Linggo ng gabi.

Isinagawa ang fireworks display sa plaza.

Ayon kay Lezo Mayor Mary Lynette Fernandez, hindi sila masyadong nakapaghanda noong nakalipas na taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito ang dahilan kaya't ngayong taon ninais ni Fernandez na makabawi at mabigyan ng kakaibang atraksiyon ang mga Aklanon sa pamamagitan ng Singapore themed-Christmas lights display.

Pinailawan ang mga supertrees na inspired ng mga supertrees sa Gardens by the Bay sa Singapore.

Tinagurian nila itong Hiwaga ng Pasko.

Bukod sa kakaibang disenyo ng Christmas lights, nag-enjoy din ang mga residente sa tunog at tambol ng Ati-atihan. —KG, GMA News