Ipasusubasta sa California ang isang pambihirang uri ng diyamanteng itim o  "cabonado diamond." Tinatayang bilyong taon na ang tanda ng diyamante pero palaisipan pa rin kung saan talaga ito nagmula.

Sa GMA News Feed, sinabing 555.55 carats ang carbonado diamond, na ayon sa isang geologist ay hindi karaniwang nakikita sa mundo.

Umaabot daw ng hanggang 3.2 bilyong taon ang tanda ng naturang uri ng diamond na mangilan-ngilan lang ang nakikita.

"We think that most carbonados are about 2.6 to 3.2 billion years old. That dates back, the Earth is only 4.65 billion years old. So this is dating back close to major Earth events that are taking place back like plate tectonics and oxygenation of the Earth's atmosphere," sabi ni Dr. Aaron Celestian ng Natural History Museum of Los Angeles.

Sa Brazil at Central African Republic lamang natagpuan ang carbonado diamonds na may kakaibang istruktura sa mga nakalipas na taon.

Posibleng doon din galing ang ipinapa-auction ngayong carbonado diamond.

Aabot ng $4 million hanggang $7 million o katumbas ng hanggang P359 million ang inaasahang magiging halaga ng carbonado diamond.

Dalawang dekada na umano ito sa pamilya ng may-ari pero kakaunti lang ang nakuha nilang impormasyon sa kung saan ito nagmula.

Patuloy ang pag-aaral ng mga siyentipiko sa tunay na pinagmulan ng carbonado diamonds.

"We think that they could have formed super deep within the Earth's interior far deeper than what we know of already diamonds. There's hypotheses that suggest that they formed at impact sites one of large asteroid hit Earth, causing carbon on surface of the Earth to grow into these carbonados," sabi ni Celestian.

"There's also interstellar hypotheses that suggest that they grew in space and then later found fell on the surface of the earth. So we don't know actually where they come from," dagdag ni Celestian.

—FRJ, GMA News