Palaisipan pa rin kung bakit parang ulan na bumuhos at bumagsak ang napakaraming ibon na dahilan para mamatay ang nasa 100 sa kanila sa Mexico.
Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na maayos naman ang lipad ng napakaraming ibon nang unang nahagip sa CCTV camera sa isang komunidad sa Chihuahua, Mexico.
Pero maya-maya lang, nangyari na ang sabay-sabay na pagbagsak ng mga ibon na tila ulan na bumuhos at may mga tumama sa semento.
Maraming ibon ang nagawang makalipad muli pero may mga naiwan sa semento at namatay na tinatayang aabot sa 100, ayon sa pulisya.
Ang mga ibon ay mga yellow-headed blackbirds o yellow-headed Junipers, na migratory birds na galing sa Northern Canada.
Pinaniniwalang nagpunta lang sila sa Mexico para palipasin ang winter sa Canada.
Hanggang ngayon, palaisipan pa rin ang dahilan kung bakit sila sabay-sabay na bumagsak.
May mga nababahala na baka epekto iyon ng sakit na bird flu.
Ang hinala naman ng isang veterinarian, posibleng nakalanghap ng toxic fumes ang mga ibon mula sa mga heater sa mga bahay.
Naitala rin daw sa nagdaang mga araw na mataas ang antas ng polusyon sa hangin sa lugar na iyon.
May mga naghihinala rin na baka nakuryente ang mga ibon mula sa naka-expose na live wire pero wala namang nakitang pagkislap sa mga kawad ng kuryente.
Patuloy pa ang ginagawang pagsusuri sa mga namatay na ibon.--FRJ, GMA News
