Kaya mo bang gumastos ng P1 milyon para makabili ng isang ibon na gagawin mong pet?
Sa programang Mornings with GMA Regional TV, ibinida ng pet exhibitor na si Florante Gozon mula sa Ilocos Sur, ang kaniyang mga alaga--kasama na ang isang parrot na Hyacinth Macaw, na umabot sa P1 milyon ang presyo.
Ayon kay Gozon, bata pa lang ay mahilig na talaga siyang mag-alaga ng hayop tulad ng mga sisiw na nakikita lang niya sa kanilang lugar.
Pero nang guminhawa na ang kaniyang buhay, nagsimula na siyang abutin ang pangarap na magkaroon ng mga magagandang pet na katulad ng mga parrot.
Ayon kay Gozon, napakaganda ng kulay ng asul na balahibo ng Hyacinth Macaw, at mas malaki ito kumpara sa ibang parrot.
Bukod sa mga parrot, mayroon din siyang mga sugar glider na may high mutation, o may kulay puti, at bearded dragon.
Hindi naman umano mahirap mag-alaga ng mga hindi pangkaraniwang pet animals pero kailangan lamang ang dedikasyon.
Dahil mahaba rin ang buhay ng mga parrot na umaabot sa 40 taon, sinabi ni Gozon na dapat may kakilalang mag-aalaga sa kanila kapag wala na ang tunay na may-ari.
--FRJ, GMA News
