Hindi umano binayaran ng tatlong suspek na sakay ng tricycle ang ipinakargang 100 litro ng gasolina na inilagay sa dala nilang container sa Jaro, Iloilo City.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa isang gas station noong Sabado ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang pagdating ng tricycle na may sakay na tatlong tao, kabilang ang isang babae.

Una raw pinakargahan ng grupo ng 100 litro ng gasolina ang dala nilang container.

Sa isa pang container, nagpakarga muli ang grupo ng panibagong 20 litro ng gasolina.

Pero sa halip na sa tauhan ng gas station iabot ang bayad, ang mismong babae na kasama ng grupo ang lumapit sa kahera at binayaran ang 20 litro na mahigit P1,5000 ang halaga.

Pagkatapos nito ay kaagad na umalis ang grupo nang hindi binabayaran ang 100 litro ng gasolina na nagkakahalaga ng mahigit P6,000 ang presyo.

Tinangka umanong habulin ng tauhan ng gas station ang grupo pero nakatakas ang mga ito.

Naireport na sa pulisya ang insidente at inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.--FRJ, GMA News