Pambihirang aksidente ang sinapit ng isang rider na nasipa ng baka ang motosiklo at pagkatapos ay nahagip ng truck sa La Union. Ang biktima, patay.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nasa gilid ng kalsada ang baka at hinihila ng magsasaka sa Bauan, La Union.

Huminto umano  sa gilid ng baka ang rider at doon na nangyari ang pagsipa sa kaniya ng hayop.

Napunta ang rider sa kabilang bahagi ng kalsada at nahagip ng paparating na truck.

"Nung natapatan ng rider itong baka na nasa gilid ng highway, nagulat ito (baka) at yung ang nag-cause ng pagkagulat ng baka, natadyakan niya itong rider," ayon kay Police Major Cresencio Abila Jr., hepe ng Bauang Police Station.

Nagkausap na umano at nagkaaregluhan ang naulila ng rider, ang driver ng truck at ang may-ari ng baka.

Pinayuhan naman ni Abila ang mga nag-aalaga ng hayop na iwasan nang idaan sa kalsada ang mga baka o kalabaw.

"Sa mga nag-aalaga ng baka o kalabaw, kung maari ay idaan na lang sa may bukid yung ating mga alaga. Huwag na rin tayong maglalagay ng alaga nating hayop sa gilid ng daan," pakiusap ng opisyal. --FRJ, GMA News