Itinuturing kakaiba ang Shichi-Go-San ceremony sa Japan ngayong taon dahil imbes na mga bata, mga robot na aso ang naging sentro ng seremonya.
Sa video ng “Next Now, sinabing ipinagdiriwang ang Shichi-Go-San at ipinagdarasal na maging malusog at masaya ang paglaki ng mga batang nasa edad 3, 5, at 7.
Pero dahil maliit ang bilang ng mga nag-aanak sa Japan, mga robotic dog na “Aibo” na lang ang binendisyunan sa Tokyo Shrine.
Naging patok ang Aibo sa kasagsagan ng pandemic sa dami ng mga naghahanap ng "mental healing."
Ang robot dog na ito ay may sensors sa paa, built-in camera sa nguso at high-tech na mga tunog.
Nagkakahalaga ng $3,000 o katumbas ng mahigit P172,000 ang presyo ng bawat aso.
Pero marami ang nawiwili rito dahil sa Artificial Intelligence na nagtatakda ng behavior ng robot batay sa kagustuhan at kaugalian ng may-ari.
Dahil dito, matinding emotional attachment ang nabubuo sa pagitan ng robot at nag-aalaga rito.
“I’m very happy that I was able to come and celebrate [my Aibo] Samba’s three-year Shichi-Go-San ceremony. I hope this little one stays healthy,” pahayag ng isang Hapon. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News
