May amoy at may uod na umano ang fried chicken na nabili ng isang ginang sa isang vendor na nasa tabing kalsada sa Bacolod City. Ang naturang manok, ginawang baon ng grade 4 student na anak ng ginang.

Sa ulat ni Adrien Prietos sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nag-aaral sa isang paaralan sa Barangay Montevista ang batang estudyante na nagbaon ng manok na umano'y may uod na.

Mabuti na lamang at hindi nakain ng bata ang manok dahil may naamoy na raw ang estudyante na hindi kaiga-igaya nang buksan niya ang balot ng fried chicken.

Ayon sa punong barangay, nabili raw ng ginang ang piniritong manok sa labas ng Libertad public market. Pero hindi pa tukoy kung sino ang nabilhan ng ginang ng naturang pagkain.

Nangangamba naman ang ibang vendor na nagtitinda rin ng fried chicken sa lugar sa halagang P15 ang isa, na baka pati sila ay madamay at mapaghinalaan na nagbebenta ng panis at may uod na piniritong manok.

Nais ni Mayor Albee Benitez na magpasa ng ordinansa ang Konseho na magtatakda sa mga ambulant vendor na magparehistro dahil pagkain ang kanilang itinitinda.

Kung matutuloy ang plano ng alkalde, kailangan nang kumuha ng permit sa lokal na pamahalaan ang vendor, at imomonitor ang paraan ng kanilang paghahanda sa pagkain at paraan ng pagbebenta.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng barangay sa naturang insidente na nag-viral sa social media ang video nang ipakita ang manok na may uod umano. --FRJ, GMA Integrated News