Natadtad ng mukha ni dating Pangulong Manuel A. Roxas ang bawat pahina ng kalendaryo ng isang mag-live in partner sa Legazpi City, Albay dahil sa kakaibang ipon challenge na kanilang ginawa noong 2022.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing naghatid ng inspirasyon at umani ng positibong reaksyon sa netizens ang ginawa nina Jhoemel Relucio at Ginalyn Ansus ng Barangay  Oro Site.

Sa kanilang video, ibinahagi ng dalawa ang ginawa nilang pagbulatlat sa isang kalendaryo na may nakadikit na tig-P100 sa bawat petsa.

Pagsapit ng Bagong Taon, nakapag-ipon sina Relucio at Ansus ng halos P73,000.

Bukod sa ipon challenge sa kalendaryo, may naitabi pa raw na P3,000 na mga barya sa alkansya si Relucio.

"'Yung pag-iipon namin para sa wedding namin and sa future house namin. 'Yun ang nagpa-motivate sa amin para mag-ipon," sabi ni Ansus.

Napag-alaman na 12 taon nang nagsasama sina Relucio at Ansus at mayroon na rin sila na isang anak. Kasal na lang ang kulang para makumpleto ang masaya nilang pamilya.

"Kinabahan lang talaga ako na mag-propose. Sabi ko matagal na rin kami, gusto na naming mabigyan ng blessing ng Panginoon kaya nag-propose na rin ako," sabi ni Relucio.

Maituturing ito ni Ansus na relationship goals, dahil suportado nila lagi ang isa't isa sa ikabubuti ng kanilang pamilya.

Sa pagpasok ng 2023, muling sasabak sa kalendaryo ipon challenge sina Relucio at Ansus. At sa taong ito, level up sa P150 kada araw ang kanilang itatabi. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News