Hindi lang bantay ng bahay, kundi bantay din ng tsismis ang isang American pit bull na mahilig sumilip sa mga kaganapan ng kanilang mga kapitbahay at mga kapwa aso.

Sa ulat ni Joseph Morong sa State of the Nation, mapapanood ang brusko, maangas at machong American pit bull na si Isko, pero sweet, mabait at masunurin naman bilang isang alaga.

Maaasahan din si Isko pagdating sa pagbababa ng basura.

Gayunman, binabantayan ni Isko maging ang mga kaganapan ng kanilang kapitbahay.

Kuwento ng kaniyang amo, inutusan niya si Isko na magbitbit ng supot nang biglang tumigil dahil sa mga kapwa asong nagbabardagulan.

May pagkatsismoso si Isko, dahil agad siyang tatakbo at sisilip sa kaunting ingay lang sa kalsada. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News