Isang kakaibang "kidnapping" ang nasaksihan ng mga residente sa Jaipur, India, matapos na itakas ng isang unggoy at bitbitin  ang isang tuta.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa isang video ng isang residente sa Parkota ang unggoy na nasa balkonahe ng isang gusali.

Dala-dala niya ang isang tuta at tumalon patungo sa kabilang gusali, bago tuluyang makaalis.

Sinabi ng mga residente na malaking sagabal sa kanila ang mga unggoy.

Ayon sa kanilang paniniwala, nangunguha ng mga tuta ang mga unggoy bilang kapalit sa mga sanggol nilang unggoy na namatay. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News