Hindi akalain ng isang mangingisda sa Brooke’s Point sa Palawan na makakakita siya sa dalampasigan ng dalawang antigong banga at pinaniniwalaang sinaunang alahas na katulad ng kuwintas na suot ni Marian Rivera sa dating GMA epic-serye na "Amaya."

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na dagsa ang mga residente sa isang bahagi ng dalampasigan sa Barangay Saraza sa Brooke’s Point, naghuhukay at nagbabakasakali rin na makakita ng alahas na tubog umano sa ginto.

Kuwento ni Michael Ticay, una niyang nakita ang mga banga na nakausli na ang bahagi sa buhangin. Hindi kalayuan dito, nakita niya ang ilang alahas.

Ang isa rito, katulad ng pendant na suot ng karakter ni Marian sa Kapuso series noon na Amaya. Kaya naman naisip nila na posibleng sinaunang alahas ang kanilang napulot.

Dahil sa kawalan ng pera at baon sa utang, dinala ni Michael sa sanglaan ang alahas at doon nakumpirma na ginto ang kaniyang napulot.

Naibenta raw niya ang mga alahas sa halagang P40,000.

Ngunit hindi pa doon natapos ang suwerte ni Michael. Dahil nang bumalik siya sa lugar, nakakita pa siya ng maliliit na bilog na may butas sa gitna na kulay ginto.

Umabot umano sa 50 piraso ang maliliit na bilog na mas maliit pa sa singko sentimos. Pinatunaw nila ito at pinagawang singsing at saka nila isinangla.

Nang makarating sa iba ang nangyari kay Michael, nagsimula na ring maghukay ang ibang residente sa dalampasigan.

Si Aling Anna, nakakuha ng siyam na maliliit na bilog na kulay ginto na kanila ring naibenta ng kaniyang mga kasama.

Ang mag-asawang Fernando at Imelda, nakuha ng 39 na piraso ng maliliit na bilog na kanilang ipinatunaw at ipinagawang wedding ring.

Si Aling Joy, nakahukay naman ng isang tila tore ang disenyo na kasinglaki ng hintuturo. Nang kaniya umanong ipasuri sa sanglaan, lumitaw na tubog sa white gold ang maliit na tila tore.

Naibenta raw niya ito sa halagang P15,000.

Ang mga maliliit na bilog na kulay ginto, malaki ang pagkakahawig sa ilang alahas na naka-exhibit sa Ayala Museum sa Makati.

Isa itong kuwintas na pinagdugtong-dugtong.

Pinaniniwalan na ang naturang mga alahas ay gamit ng mga sinaunang Pinoy mula sa 10th hanggang 13th century, bago pa man dumating ng mga Kastila.

Pero saan kaya galing ang mga banga at alahas na nakita sa dalampasigan? May batas kaya na nalabag ang mga residente sa ginagawa nilang paghahanap at pagbenta ng mga alahas? Panoorin ang buong kuwento sa video ng KMJS.--FRJ, GMA Integrated News