Para may maipambili umano ng alak, isang lalaki ang nangholdap ng tindahan sa Pagadian City. Pero hindi na nakapag-happy-happy pa ang suspek nang maaaresto siya ng mga pulis.

Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa CCTV footage sa hinoldap na tindahan na nagsisisigaw at umiiyak ang tinderang bantay nito.

Nagpasaklolo siya sa mga dumaraang tao dahil sa pagpasok ng holdaper. Ang suspek pa ang nagbukas ng kaha ng tindahan at kinuha ang lahat ng pera sa loob.

Hindi pa nakuntento ang salarin at bumalik para kunin ang cellphone sa kaha.

Ayon sa pulisya, nagkakahalaga ng P7,000 ang nakuha ng salarin.

Pero nadakip din ang lalaki nang tangkain nito na holdapin pa ang ibang establisyimento sa lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang beses na palang nagnanakaw sa lugar ang lalaki. Siya pa umano mismo ang nagturo sa mga nabiktima niya.

“Mayroon kasing mga insidente na hindi naire-report sa amin sa PNP. Halimbawa, may na-snatch-an ng cellphone, hindi na pumupunta rito sa amin. Kinakalap namin lahat ng complainant para ma-file-an siya ng kaukulang kaso,” sabi ni Lieutenant Colonel Gilzen Manese, hepe ng Pagadian City Police.

Bukod sa pagkuha ng pera, target din ng suspek na tumangay ng gadgets para maibenta niya ang mga ito.

Ginagawa ng suspek ang pagnanakaw para may pambili umano ng alak.

Tinukoy din ng salarin ang mga napagbentahan niya ng mga cellphone kaya nabawi ito ng pulisya.

May nakuha ring baril mula sa suspek na kargado ng bala.

Laking pasasalamat naman ng tindera sa kuha ng CCTV dahil napatunayan niyang hindi totoo ang bintang sa kaniya na kasabwat siya ng holdaper. -- FRJ, GMA Integrated News