Matagumpay umanong naigalaw ng isang stroke patient ang kaniyang baldadong braso sa tulong ng makabagong teknolohiya na robotic arm at brain-reading headset na sinubukan sa Texas, USA.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing ito ang unang beses na ipinagamit ang teknolohiya sa University of Houston sa Texas.
Limitado ang galaw ng kaliwang braso ng pasyente mula nang ma-stroke noong 2014 at gumagamit siya ng brace sa kaliwang binti para makalakad.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na binabasa ng headset ang brainwaves ng pasyente na nakakonekta sa robotic arm.
Kaya kapag naisip ng pasyente na pagalawin ito, magpapadala ang headset ng signal sa robotic arm para gumalaw ang kaniyang braso. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
